Singilan na sa 2026 | Pilipino Star Ngayon


PULSOhan — Dr. Paul Martinez — Pilipino Star Ngayon

January 1, 2026 | 12:00am

Ang 2025 ay hindi maaalala bilang taon ng tagumpay, kundi bilang taon ng matinding pagtitiis. Ito ang panahong natutong magbilang ng bawat piso ang Pilipino habang patuloy na sumisirit ang presyo ng pagkain, kuryente, at pangunahing bilihin. Ang simpleng pamumuhay ay naging araw-araw na pa­kikibaka—isang laban para lamang manatiling nakatayo.

Kasabay nito, dumating ang mga baha na tila walang katapusan. Mga kalsadang naging ilog, mga bahay na naging­ bitag, at mga opisyal na paulit-ulit ang palusot. Hindi ito simpleng sakuna ng kalikasan—ito ay resulta ng kapabayaan, maling pra­yoridad, at sistemang pinabayaang mabulok. Hindi ulan ang tunay na salarin, kundi katiwalian.

Habang hirap ang taumbayan, lalong naging maingay ang pulitika. Bangayan, siraan, at ambisyon ang nangingibabaw. Unti-unting nauubos ang tiwala ng publiko habang ang pananagutan ay tila opsyonal lamang. Sa gitna nito, ramdam ang takot—mula sa krimen sa lansangan hanggang sa online scams. Ang hustisya, para sa marami, ay mabagal at mapili.

Sa sektor ng kalusugan, pagod na ang mga ospital at health workers. Sa edukasyon, siksikan at kapos ang sistema. Ang tanong ng marami: paano haharap ang susunod na henerasyon sa mas mabigat na hinaharap kung ngayon pa lang ay lubog na?

At gayunman, sa kabila ng lahat, nananatiling matiisin ang Pilipino. Gustong maghimagsik laban sa korapsyon, ngunit pini­ling magtimpi sa panahon ng Pasko. Nagbigay ng huling pag­kakataon. Ngunit huwag itong ipagkamali bilang kahinaan.

Sa pagpasok ng 2026, malinaw ang babala: magiging mas mapanuri, mas mapanagot, at mas matapang ang bayan. Ikulong ang sinumang Kongresista o Senador na nagnakaw ng pondo ng bayan—lalo na ang mga sangkot sa flood control scandal. Walang sasantuhin. Walang palusot.

May iilan pa ring opisyal na nananatiling tapat sa kanilang tungkulin. Sa mga darating na araw, ilalantad ng RPMD kung sino ang karapat-dapat sa tiwala ng publiko at kung sino ang nararapat managot.

Doon magsisimula ang tunay na pagbabago.