Sinong kaibigan ni Trump ang titiba sa Venezuela?


SAPOL — Jarius Bondoc — Pilipino Star Ngayon

February 3, 2026 | 12:00am

SINO-SINONG mga bilyonaryong kaibigan ni Donald Trump ang makikinabang sa pag-okupa ng America sa Venezuela? Ano-anong kumpanya ang payayamanin niya sa mga kontrata?

Sa likod ng bawa’t imperyalistang lider ay mga kapitalista.

Nu’ng 2003-2011 inokupa ni U.S. President George “Dubya” Bush ang Iraq. Kalaban niya noon si Saudi Arabian terrorist Osama bin Laden, na kalaban din ni Iraq President Sadam Hussein. Pero ginamit niyang palusot ang pagbomba ni bin Laden sa New York at Pentagon para lusubin ang Iraq.

Agad nakinabang ang mga kumpanyang dikit kay VP Dick Cheney. Daan-bilyong dolyar ang mga kontrata ng Halli­burton Corp. para maghukay ng langis at mag-supply sa oilfields sa Iraq. Bilyon-bilyon din ang kinita ng subsidiary nitong Kellogg, Brown & Root mula sa kontratang pagkain, logistics, at management. Nakinabang din ang Blackwater Corp. mula sa kontratang seguridad sa Amerikanong VIPs.

Nabistong binalatuhan sila ng White House ng mga kon­trata maski walang bidding. Kumanta ang ilang top managers. Inimbestigahan sila ng US Congress.

Ganu’n na naman ngayon sa Venezuela. Dalawa ang rason ni Trump para sakupin ang bansang may pinakamala­king oil reserve sa mundo. Kesyo raw international narco-trafficker si President Nicolas Maduro na nagpupuslit ng cocaine sa America. At kesyo raw ninakaw nito ang langis na pag-aari ng Amerikanong kumpanyang Chevron.

Iimbestigahan daw ng US Congress ang ginagawa ni Trump sa Venezuela. Pero kaduda-duda kung may kahihinatnan ito. Kasi mapa-Republican o Democrat ay pare-parehong hawak ng ganid na kapitalista. ‘Yan ang katangian ng imperyalismo.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).