MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ni House Majority Leader Paolo Ortega V ang loyalty ni Vice President Sara Duterte kung sa Pilipinas ba o China dahil sa nakabibingi umanong katahimikan nito sa isyu ng West Philippine Sea.
Ayon kay Ortega, tila malinaw ang pahiwatig sa inaasal ni VP Sara na aniya’y sobrang tapang sa pagbira sa kaniyang mga kritiko pero pagdating sa usapin ng China ay tameme o nanahimik ito.
Tinukoy ng solon ang pinakahuling insidente ng pagpasok ng mga tauhan ng China Coast Guard sa Sandy Cay na bahagi ng Spratly Group of Islands kamakailan. Ang Sandy Cay ay bahagi ng inookupa ng Pilipinas sa pinagtatalunang teritoryo.
“She’s been going around hitting almost everybody, but never China! Apparently, mum is the word when it comes to Beijing. She’s dead silent when the issue about China occupying our very own yard is raised. Silent as the grave with zipped and sealed lips – very much unlike her,” sabi ni Ortega.
Iginiit ni Ortega na lahat ng inihalal na opisyal ng gobyerno ay dapat na nagtatanggol sa bansa.
“Again, where is patriotism here? Should we really listen or believe somebody whose interests goes exactly the opposite of 75 percent of Filipinos, who, based on the latest Social Weather Stations (SWS) survey, are likely to vote overwhelmingly and root for Team Pilipinas!” dagdag pa ng solon.
Ang tinutukoy ni Ortega ay ang pinakahuling survey ng SWS na kinomisyon ng Stratbase na nagpapakita na 75% ng mga Pilipino ang boboto sa mga kandidato na iginigiit ang karapatan ng Pilipinas sa mga inaangking teritoryo ng China sa WPS.
