Stock Market: Anong klaseng negosyo para sa mga OFW?


PINOY OVERSEAS — Ramon M. Bernardo — Pilipino Star Ngayon

February 8, 2026 | 12:00am

Stock market ang isa sa mga mapagpipilian ng mga overseas Filipino worker (OFW) na nag-iisip ng negosyo o mapamumuhunan upang madagdagan ang kanilang kinikita o iniimpok para sa kanilang kinabukasan. Isa rin itong paghahanda para sa panahong kailangan na nilang bumalik nang permanente sa Pilipinas o kapag wala na silang kakayahang magtrabaho sa ibang bansa.

Tulad sa ibang negosyo, mahalaga munang pag-aralan ng sinumang interesadong OFW ang pasikot-sikot ng stock market bago ito pasukin. Sa stock market, puwede kang bumili ng shares o bahagi ng pag-aari sa isang kumpanya, na kilala rin bilang stock o equity. Makakabili ka ng shares sa mga kumpanyang kasali sa PSE, o kung nasa ibang bansa ka, puwede ring sa stock market ng bansang iyong kinaroroonan.

Sa website ng PSE (www.pse.com.ph), makikita ang listahan ng mga kumpanyang puwedeng pagbilhan ng shares: fastfood at restaurant chains, food and beverage, bangko, public utilities (kuryente, tubig), telecommunications at IT, media at entertainment, real estate at property development, mining at natural resources, construction, infrastructure, universities, insurance, retail at consumer goods, transportation at logistics, at iba pa.

Upang makabili ng shares, kailangang dumaan sa isang lehitimong broker o brokerage firm. Tiyakin na ito ay nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) at sa PSE. Siguraduhing may maayos na website at mapupuntahang opisina nito para may transparency at maayos na komunikasyon.

Kapag may shares ka sa isang kumpanya, para ka nang part-owner nito. Kumikita ka sa dalawang paraan: una, kapag tumaas ang market value ng shares na hawak mo (capital gain); at ikalawa, kapag ang kumpanya ay nagbigay ng dividendo (bahagi ng kita ng kumpanya na ibinabayad sa stockholders).

Hindi kailangang milyonaryo upang magsimula. May mga online brokers sa Pilipinas na tumatanggap ng panimulang puhunan na kasing baba ng ?5,000. Itinuturo rin ang diversification — paghahati ng puhunan sa iba’t ibang industriya upang mabawasan ang risk. Halimbawa, kalahati ng puhunan ay ilalagay sa bangko, at ang natitira ay sa real estate. Puwede kang magpatuloy sa iyong trabaho habang pinapalago nang dahan-dahan ang iyong investment.

Tulad ng anumang pamumuhunan, ang stock market ay may risk o peligro. Nagbabago ang presyo ng shares depende sa kalagayan ng ekonomiya, pulitika, pandaigdigang balita, o mga insidenteng tulad ng COVID-19 pandemic noong 2020. Bumagsak noon ang PSE index nang higit 40% sa unang quarter ng taon, pero unti-unti rin itong nakabawi sa sumunod na mga taon (source: PSE Historical Index Data).

Kapag sinasabing bumagsak ang merkado, ang ibig sabihin ay bumaba ang halaga ng iyong shares. Ngunit hindi nawawala ang shares hangga’t hindi mo ito ibinebenta. 

Sa bandang huli, ang pamumuhunan sa stock market ay hindi panandaliang mapagkakakitaan kundi pangmatagalang plano.