February 8, 2026 | 12:00am
DEL GALLEGO, Camarines Sur, Philippines — Bulagta ang isang naarestong suspek sa kasong pamamaslang matapos umanong mang-agaw ng baril at tinangkang makipagbarilan sa police escorts habang ibinibiyahe kasama ang isa pang suspek patungo sa Catanduanes makaraang makiusap na iihi lang sa kahabaan ng Rolando Andaya Highway sa Brgy.Comadaycaday, Del Gallego, Camarines Sur noong Biyernes ng gabi.
Napuruhan ng punglo sa ulo, dibdib at sa iba pang bahagi ng katawan sanhi ng agarang pagkasawi ang suspek na kinilalang si alyas “Miguel”, may-asawa, residente ng Brgy. Buhi, San Miguel, Catanduanes na may kinakaharap na kasong murder.
Sa ulat, naaresto si Miguel kasama ang isa pang suspek sa ginawang police operation sa Pasig City at ibiniyahe sila sakay ng Toyota Camry Sedan (SHP-633) kasama ang apat na kasapi ng San Miguel Municipal Police Station pauwi sa Catanduanes. Pagdating umano sa lugar dakong alas-10:20 ng gabi ay nakiusap si Miguel na iihi, kaya tumabi ang sasakyan sa kahabaan ng highway.
Gayunman, nang makababa si Miguel na nakaposas ang dalawang kamay sa harap kasama ang police escort na si Patrolman Lexter Tabirao ay siniko nito ang nasabing pulis at biglang inagaw ang hawak na Galil rifle at tinangkang barilin ang mga pulis pero hindi pumutok kaya kumaripas ng takbo dala ang baril.
Nagkaroon ng habulan hanggang sa abutan ng mga pulis si Miguel sa madamong lugar sa isang bangin, may isang kilometro ang layo mula sa police car at tinangka pa uling paputukan umano ang mga humahabol na mga pulis dahilan para gantihan na siya ng mga putok.
Sa tulong ng MDRRMO-Del Gallego, mabilis na isinugod ang sugatang suspek sa Maria Eleazar General Hospital sa Tagkawayan, Quezon pero hindi na umabot nang buhay.