Suspek sa road rage sa Cavite, tukoy na


Pilipino Star Ngayon

August 30, 2025 | 12:00am

CAVITE , Philippines — Kasaluku­yang nagsasagawa ng manhunt operation ang pulisya laban sa suspek sa road rage na ikinamatay ng isang empleyado ng Meralco, kamakalawa sa Jose Abad Street, Barangay Salitran 3, Dasmariñas City, Cavite.

Matapos ang isinagawang malalimang imbestiagsyon, nakilala na ng Dasmariñas City Police ang suspek sa pamamaril sa biktima na si alyas “Jepoy”, 44-anyos, residente ng Brgy. Salawag, Dasmariñas City

Matatandaan na pinagbabaril ng suspek ang biktima na si alyas “Mayo”, 54 anyos, empleyado ng Meralco at residente ng Bacoor City, habang sakay ng Meralco vehicle (NIG 1222) at nakatigil sa gitna ng daan sanhi ng traffic lights nitong Agosto 28.

Tinapatan ang sasakyan ng biktima ng suspek na sakay naman ng pulang Toyota Corolla (TPJ-294) at agad pinagbabaril ang una bago mabilis na tumakas.

Agad namang naitakbo ang biktima sa pagamutan subalit idinekla­rang patay habang nilalapatan ng lunas.

Matapos ang insiden-te, agad nagbaba ng kautusan si Cavite Police Provincial director

P/Col. Ariel Red sa buong kapulisan na magsagawa ng agarang imbestigasyon sa nasabing insidente.

Sa lumutang na witness at batay na rin sa mga kuha ng CCTV sa lugar, nakilala ang nasabing suspek.

Nakipagtulungan din ang Land Transportation Office (LTO) kung kaya natunton na sa Bacoor nakarehistro ang kotseng ginamit ng suspek na pinaghahanap na ng mga awtoridad.