SUV sumalpok: Pulis patay, 6 sugatan


Papuntang lamay

MANILA, Philippines — Isang pulis ang nasawi habang ang anim nitong kasama ang na­sugatan matapos ang kanilang sinasakyan ay sumalpok sa concrete barrier kahapon ng madaling araw sa Barangay Poblacion, Alabel, Sarangani.

Kinilala ang nasawi na si P/Executive Master Sgt. Wilfredo Ollosa Jr. habang ang mga nasugatan ay sina P/Executive Master Sgt. Michael Sutelo; P/Chief Master Sgt. Ernel Bullag; P/Se­nior Master Sergeants Gleen Sealmoy; Edgardo Fontanilla; Jerwin Munar; at P/Corporal Rainier Ortiz na pawang nakatalaga sa Regional Headquarters Support Unit sa headquarters ng Police Regional Office-12, Barangay Tambler, General Santos City.

Batay sa ulat ng Sarangani Provincial Police Office ay sakay ang mga biktima ng Toyota Innova na minamaneho ni Sutelo para magtu­ngo sa Brgy. Poblacion, Alabel, upang maki­paglamay sa kasama nilang pulis na si Chief Master Sgt. Rustico Catimbang, Jr., na ang nanay  ay nasawi.

Habang sila ay patungo doon ay nawalan ng control sa manibela si Sutelo at nasalpok ang concrete highway center barrier sa CP Garcia Street na agad ikinasawi ni Ollosa, na nakaupo sa harapan.

Mabilis na dinala ang mga nasabing pulis sa ospital.