February 8, 2026 | 12:00am
SA unang tingin, maaaring sabihing teknikal lamang ang aplikasyon ng Yamang Mineral Corporation (YMC) sa mineral exploration nito sa Abra.
Wala pa raw pagmimina dahil pag-aaral pa lang, pagbabarena pa lang, datos pa lang.
Ngunit malinaw ang katotohanang kahit exploration pa lang, may “binubungkal” nang karapatan, tiwala, at kapayapaan.
Ang mga bayan ng Sallapadan, Licuan-Baay, Lacub at Malibcong ay hindi lang bilang blangkong espasyo sa mapa ng mga geologist. Ito ay lupang ninuno, tahanan ng mga komunidad na may sariling kasaysayan, kultura, at ugnayan sa kalikasan.
Kaya’t hindi kataka-taka na umiigting ang pagtutol nang lumutang ang kahalagahan ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC)—isang obligasyong malinaw na itinatadhana ng Indigenous Peoples Rights Act (IPRA), bagay na hindi maaaring ipagpaliban o prosesong paikliin.
Depensa ng dayuhang si James Carmichael na nagpakilalang YMC Vice President na exploration pa lang daw, wala pang epekto at may potensiyal daw sa kaunlaran.
Ngunit ilang ulit na bang narinig ng mga katutubo at mamamayan ng Cordillera ang ganitong pangako?
Ang kanilang ginawa: dinumihan ang mga ilog, winasak ang mga bundok at nahati-hati ang mga komunidad sa ngalan ng kaunlaran.
Ginagawa na naman ang panghahati-hati sa mga komunidad dahil hinati-hati ang exploration permit applications ng YMC sa apat na aplikasyon. Taliwas ito sa una nang na cease and desist order (CDO) ng NCIP na permit application. Taktikang mapanlinlang at madaling mamaniobra ang pagsang-ayon ng mga katutubo.
Kung seryoso ang YMC sa sinasabi nitong “responsableng pag-unlad,” dapat nitong tanggapin na ang unang hakbang ay hindi drill bit kundi pakikinig. Hindi presentasyon, kundi pahintulot. Hindi permiso sa ahensiya lang, kundi malinaw at malayang pagsang-ayon ng komunidad.
Sa huli nasa mamamayan pa rin ng Abra kung handa nilang ipagpalit ang kinabukasan para sa yamang hindi naman sa kanila mapupunta.
* * *
Para sa comment, i-send sa: [email protected]