Tiis muna para sa pangarap


Dear Dr. Love,

Isa po akong lalaki na nagmamahal nang tapat, pero kasalukuyang sinusubok ang aking pag-unawa at pasensya. Ang girlfriend ko po ay abala sa pagre-review para sa kanyang board exam. Naiintindihan ko po ang bigat nang pinagdadaanan niya. Pero aaminin ko, may mga araw na nalulungkot ako. Sanay po kasi kami sa madalas na usapan, kulitan, at kumustahan. Ngayon, kahit gustuhin ko siyang i-message, pinipigilan ko ang sarili ko dahil ayokong ma-distract siya.

Dr. Love, paano po ba ang tamang balanse ng pag-unawa at paglalambing?

Jek

 

Dear Jek,

Saludo ako sa’yo. Hindi lahat ng lalaki ay marunong umunawa sa panahon ng katahimikan. Ang pagmamahal ay hindi lang puro kilig — minsan ay pagtitiis, paghihintay, at pagsuporta rin.

Tama ang ginagawa mo. Habaan mo pa ang pang-unawa. Pagkatapos ng lahat ng ito, mas matamis ang pagbabalik ng lambingan kapag alam ninyong pareho kayong nagsakripisyo para sa isa’t isa. Tiis-tiis din ‘pag may time, lalo na kung worth it naman.

DR. LOVE