December 26, 2025 | 12:00am
Bibili ng pang-Noche Buena…
MANILA, Philippines — Isang 51-anyos na tricycle driver ang nasawi habang nasa kritikal na kalagayan ang isang pulis nang sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa tricycle ng una naganap nitong bisperas ng Pasko sa Barangay Looc, Cardona, Rizal, Miyerkules ng gabi.
Ayon kay Police Captain Richard Dela Cruz, Deputy Chief of Police ng Cardona Municipal Police Station, galing sa convenience store ang tricycle habang papasok naman sa duty ang pulis.
“According doon sa investigation namin, itong tricycle iniwasan ‘yung traffic sign which is napunta siya sa lane ng pulis kaya nagkaroon ng head on collision. Both vehicles total wrecked talaga,” sabi ni PCpt. Dela Cruz.
Ayon sa residenteng si Ferly Ramos,na sila ay nakarinig ng malakas na kalabog at nakita nila ang pulis na nakahandusay at durog yung motor habang ang tricycle ay nakataob at nakahandu-say din sa kalsada.
Ang dalawa ay isinugod sa ospital, subalit dead-on-arrival ang 51-anyos na tricycle driver habang kinakailangang operahan ang 27-anyos na pulis.
Nagtamo naman ng mga gasgas sa katawan ang sakay ng tricycle na 17-anyos na lalaki na anak ng driver.
Kwento ng anak ng nasawing tricycle driver, hiniram lang ng kanyang tatay ang tricycle para bumili sana ng uulamin sa Noche Buena at nagpasama sa kakilala.
“Ito po talaga ang pinakamasakit na Pasko. Umuwi pa po ako para makasama ang papa ko ngayong papasok na Pasko. Hindi po pala, hindi ko siya makakasama nang masaya,” sabi ni Alex Gresola, anak ng nasawing tricycle driver.
Patuloy ang imbestigasyon ng PNP sa insidente. Nangangalap din sila ng iba pang kuha ng CCTV.
