VP Sara inamin na walang alam sa Curriculum — Palasyo


Gemma Garcia — Pilipino Star Ngayon

August 22, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Mismong si Vice President Sara Duterte ang umamin na wala siyang kasanayan sa pagbalangkas ng Matatag curriculum.

Ito ang buwelta ni ­Palace Press Officer Atty. Claire Castro matapos ang panibagong pasa­ring ni VP Duterte na hindi “complete failure” ang kanyang panunungkulan sa Department of Education (DepEd).

Ayon kay Castro, sa isang speaking engagement ng Bise Presidente ay inamin nito na wala siyang expertise sa pagbalangkas ng natu­rang curriculum at wala siyang alam dito dahil hindi naman siya mula sa sektor ng edukasyon.

Bukod dito, inamin din umano ni VP Duterte na ang alam lamang niyang gawin ay magpukpok ng tao para magtrabaho kaya maaaring siya ang dahilan ng presyon ng isa niyang tao.

“Records will speak for themselves. She admitted in one of her speaking engagements that she has no expertise in formulating the Matatag curriculum since she is not from the education sector,” ayon pa kay Castro.

Ang Matatag curriculum ay bagong curriculum na itinakda ni Duterte na naglalayong tugunan ang mga kinakaharap na hamon sa edukasyon sa pamamagitan ng pagbabawas sa mga aralin at pagtutok lamang sa basic education.

Nauna nang tinawag ni Castro na “complete failure” ang panungkulan ng VP sa DepEd matapos naman nitong punahin na napag-iiwanan na ang Pilipinas pagdating sa edukasyon.