September 3, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng International Criminal Court (ICC) si Vice President Sara Duterte na huwag isapubliko ang detalye ng pagbisita niya sa kanyang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte sa detention facility ng The Hague, sa Netherlands.
Dahil dito, hindi na umano maaari pang magsalita at magkuwento si VP Sara hinggil sa lagay ng ama at mga napag-usapan nila nito.
Matatandaang sa mga nakalipas na pagbisita ni VP Sara sa kanyang ama ay nagsilbi siyang tagapagsalita nito.
Ipinapaabot din niya ang mga saloobin at mensahe ng ama sa kanilang mga tagasuporta.
Gayunman, sa kanyang muling pagbisita sa dating pangulo kamakalawa, pinaalalahanan umano ng detention unit si VP Sara hinggil sa kanilang polisiya laban sa pagsasapubliko ng mensahe mula sa mga detainees.
“So, from now on, bawal ikuwento kung ano ‘yung mga nangyari sa loob at ano ‘yung mga pinag-usapan sa loob,” aniya pa.
Ang tangi na lamang umano niyang maaaring ikuwento ay kung buhay pa ang ama.
“I can only say na President Duterte is still alive. ‘Yan lang po. Hanggang dun lang po. Kasi, bawal po magbigay ng mga information na pinag-usapan sa loob,” dagdag pa ni VP Sara.
Si dating Pang. Duterte ay nakatakda nang humarap sa confirmation ng kanyang charges hearing sa Setyembre 23.
Dito tutukuyin ng ICC kung may sapat na ebidensiya para ipagpatuloy ang trial sa crimes against humanity na kinakaharap ng dating pangulo.
