VP Sara walang pruweba na umiinom ng whisky si Pangulong Marcos — Castro


Gemma Garcia — Pilipino Star Ngayon

August 24, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Inakusahan ng Malakanyang si Vice President Sara Duterte na gumagawa ng kuwento para patuloy na siraan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ay kasunod ng pinakahuling pahayag ni VP Duterte na amoy alak si PBBM nooong kinausap niya ang Pangulo kaugnay sa kanyang pagbibitiw.

Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na si VP Sara mismo ang nagsabing hindi niya nakitang umiinom ang Presidente, subalit naamoy niya itong amoy alak nang ibigay ang kanyang resignation letter noong June 19, 2024 ng umaga pagkatapos ng pulong sa Malacañang.

Sinabi pa aniya ng Bise Presidente na kung huhulaan niya kung anong alak, ito ay whisky.

Kaya tanong ni Castro, gaano ka-eskperto si Duterte para malaman kung anong klase ang iniinom ng Pangulo at pagkakaiba sa aroma.

Bukod dito, kinuwestyon din ni Castro ang timeline na sinabi ng Bise Presidente dahil batay sa naging pahayag noon ni dating Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil, dumating si VP Sara sa Malacañang 2:21 pm nang maghain ng kanyang resignation.

Kaya malinaw aniyang gawa-gawa ang pahayag ng pangalawang Pangulo sa pag-amoy alak umano ni Pangulong Marcos kaya lalong malinaw na fake ito galing sa kanya.

Mismong ang netizens na rin aniya ang nakakita sa diperensya ng timeline nang pagpunta ni VP Sara sa Malakanyang dahil base sa news article na hapon ng Hunyo 19, 2024 ito nagtungo sa Palasyo at hindi umaga.

Kaya aniya nagiging source lagi ng fake news si VP Sara dahil ang mga kuwento niya hindi tumutugma sa katotohanan.