1-0 lead pag-aagawan ng CSB at Letran sa Finals


MANILA, Philippines — Ibabangga ng defending champion College of St. Be­nilde sina Zamantha Nolasco at Rhea Mae Densing sa pagharap nila sa Letran College sa Game One ng NCAA Season 100 women’s volleyball championships sa  FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Magsisimula ang bakbakan ng Lady Blazers at Lady Knights ngayong alas-2:30 ng hapon.

Sa mga huling laro nina Nolasco at Densing ay na­ging mainit ang kanilang opensa lalo sa sa semifinals kung saan ay itinaob ng St. Benilde ang No. 4 Mapua University, 20-25, 25-15, 25-17, 25-18.

Mabilis na sumampsa sa Finals ang Lady Blazers at Lady Knights dahil pareaho silang may tangan na ‘twice-to-beat’ advantage sa semis at tinalo nila sa isang laro lang ang kanilang katunggali.

Nabiyayaan ng bonus ang St. Benilde at Letran nang upuan ang  No. 1 at 2 spot, ayon sa pagkakasunod, pag­katapos ng double round eliminations.

Bumira si Nolasco ng 19 points, habang nagtala si Densing ng 13 markers sa kanilang huling laro kaya asahang sila pa rin ang pangunahing armas ng Lady Blazers.

Makakatuwang muli nina Nolasco at Densing sina Francis Mycah Go, Cristy Ondangan, Shahanna Rheign Lleses at Clydel Mae Catarig.

Para kay Nolasco, nakakaramdam ito ng pressure da­hil kailangan niyang pamunuan ang kanyang koponan bilang beterano.

“Ngayon po kasi kami na iyong nag-lead sa team,” sabi ni Nolasco. “Nandiyan pa rin ‘yung pressure and in-embrace naman namin ‘yun as role din namin na mag-step up every game.”

Ipaparada naman ng Lady Knights sina Sheena Vanessa Sarie, Marie Judiel Nitura, Gia Maquilang at Royce Dela Cruz.

Samantala, pag-aagawan ng Perpetual Junior Altas at Letran Squires ang juniors’ crown sa Game Three ng kanilang title series sa alas-5 ng hapon.

Kinuha ng Junior Altas ang Game One, 25-21, 29-27, 28-26, bago nakatabla ang Squires sa Game Two, 25-20, 19-25, 25-20, 25-21.