1 pang lalaki sinupot, itinapon sa Cavite


Cristina Go Timbang — Pilipino Star Ngayon

November 29, 2025 | 12:00am

CAVITE, Philippines — Isa pang hindi kilalang lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution ang natagpuan sa kahabaan ng Riverpark Advincula Road, Brgy. Pascam 1, General Trias City ­kamakalawa.

Sa ulat ng pulisya, alas-10:50 ng umaga nang matagpuan ang isa na namang hinihinalang biktima ng salvage ng isang duty guard ng lugar habang siya ay nagsasagawa ng roving inspection.

Habang nag-iikot ang guwardya ay nakalanghap umanong siya ng masansang na amoy at nang kanyang hanapin ay tumambad rito ang isang patay na lalaki na unti-unti nang naagnas.

Nakasupot ang ulo ng lalaki ng itim na garbage bag at nakagapos din ang mga kamay at paa nito gamit ang alambre. Nakasuot din ang biktima ng tshirt na itim at tinatayang may taas na 5’5”.

Matatandaan na una nang natagpuan ang isang lalaki noong November 26 na kahalintulad sa pagkakatagpo sa ikalawang biktima. May 500 metro lamang ang layo ng kinatagpuan ng mga bangkay sa nasabing lugar.

Malaki ang hinala ng pulisya na magkasabay na itinapon ang mga biktima matapos na patayin.