SEAG events sa Songkhla ililipat sa Bangkok


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

November 28, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Ililipat sa Bangkok ang mga SEA Games events na lalaruin sana sa Songkhla matapos bahain ang naturang lungsod sa Thailand dahil sa sunud-sunod na malalakas na ulan.

Nagpasya ang Thailand SEA Games organizers na dalhin na lamang sa capital city ang mga events matapos maapektuhan ang mga venues na gagamitin sana sa Songkhla.

Iniiwasan din ng mga organizers ang posibilidad na magkaroon ng disease outbreak kaya’t minabuti nitong ilipat na lamang ang mga laro sa Bangkok.

Sampung events sana ang lalaruin sa Songkhla cluster.

Ito ay ang football, kabaddi, chess, pencak silat, karate, petanque, boxing, wrestling, judo at wushu.

Dahil dito, naghahanap na ang mga organizers ng mga venues na posibleng pagdausan ng mga naturang events sa Bangkok.

Posibleng mabago rin ang schedule ng mga laro.

Ayon sa ulat ng The Nation, pinag-aaralan din ng mga organizers na bigyan ng compensation ang mga delegadong nakapagpa-book na ng flights at hotels sa Songkhla para mailipat ang kanilang reservation at flights sa Bangkok.

Wala pang pormal na anunsiyo ang Thailand SEA Games organizing committee na nakatakdang magpulong kahapon para ipaalam ang sitwasyon sa Songkhla.

Inaasahan namang ipapaalam ngayong araw ng mga organizers ang resulta ng ulat nito sa Thailand Olympic Committee.

Handang-handa naman ang Team Philippines na sumabak na sa Thailand SEA Games na papalo mula Disyembre 9 hanggang 20.

Mahigit 1,100 atleta ang ipadadala ng Pilipinas sa SEA Games — ang pinakamalaking delegasyon nito sa biennial meet.