Alas may ilalabas pa | Pilipino Star Ngayon


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

September 14, 2025 | 12:00am

USA wagi sa Colombia; Japan nasilat ng Turkiye

MANILA, Philippines — Lahat ng koponang nag­lalaro sa 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship ay mga de-kalibre.

Kaya naman dapat ibu­hos ng Alas Pilpinas ang lahat ng kanilang makakaya para makasilat.

“Alam naman natin na itong naglalaro sa World Championship is top of the top,” ani Bryan Bagunas. “Ine-expect namin na every country, malakas so kaila­ngan lang talaga namin mag-perform nang maayos at i-apply ‘yung natutunan na­min sa training.”

Nakatikim ang World No. 82 Pilipinas ng 13-25, 17-25, 23-25 kabiguan sa No. 43 Tunisia sa sa Pool A sa kanilang debut sa men’s world championships noong Biyernes sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Bumandera para sa Na­­tionals ang 27-anyos na si Ba­gunas sa kanyang 23 points mula sa 20 attacks, dalawang service aces at isang block kontra sa mga Tu­nisians.

Sunod nilang sasagupain ang No. 23 Egypt sa Martes na isang ‘must win’ para sa tsansang makapasok sa Round of 16.

“Nakita natin sa game na napakaraming errors,” ob­­serbasyon ni Bagunas. “Siguro less errors sa next game and focus sa mga little mistakes.”

Halos isang taon hindi nakalaro ang dating Natio­nal University Bulldogs su­perstar dahil sa isang ACL injury noong Agosto ng 2024 na naging dahilan ng pagkawala niya sa Taiwanese champion club Win Streak.

Mula sa Win Streak sa Taiwan ay lumipat si Ba­gunas sa Osaka Bluteon team sa SV.League ng Ja­pan.

“Sobrang saya ako kasi almost a year bago ako na­kabalik,” wika ng 6-foot-5 na outside hitter. “Masaya ako na nakakatulong ulit ako sa team.”

Samantala, tinalo ng USA ang Colombia, 25-20, 25-21, 25-14, at dinispatsa ng No. 29 Portugal ang No. 10 Cuba, 20-25, 25-22, 25-19, 25-19, sa Pool D kahapon.

Nagsumite si team captain at setter Micah Christenson ng 23 excellent sets para sa mga Americans, ha­bang pumalo si Ethan Champlin ng 17 points.

Pinabagsak naman ng No. 16 Turkiye ang No. 5 Ja­pan, 25-19, 25-23, 25-19, samantalang dinaig ng Ca­nada ang Libya, 22-25, 25-20, 25-12, 29-27, sa Pool G.

Ang top two teams sa bawat pool ang papasok sa Round of 16 ng world meet.