1-time subsidy ibibigay sa lahat ng konsyumer ng Aleco


Dahil sa krisis sa petrolyo.

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines —  Sanhi ng tumataas na mga bilihin dahil sa patuloy na krisis sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, agarang nagdesisyon ang lokal na pamahalaan ng lungsod na ito sa pangunguna ni Mayor Hisham Ismail na bigyan ng “one-time subsidy” sa bayarin sa kuryente ang lahat ng konsyumer ng Albay Electric Cooperative o Aleco.

Lahat ng tinatayang hindi bababa sa 44-libong member consumers ng Aleco o residential meter holders sa lunsod ay awtomatikong babawasan ng 300-piso sa kanilang bill kapag magbabayad. Hindi na umano kailangang pumila upang makatanggap ng ayuda dahil direkta na itong ide-deduct sa kanilang bayarin sa kuryente.

Sa susunod na mga araw ay aaprubahan na ng Sangguniang Panlunsod ang panukalang ito ng alkalde upang gumaan ang pasanin ng mga residente sa hirap ng buhay ngayon.

Maliban rito ay pinulong ni Mayor Ismail ang mga opisyal ng Legazpi City Water District at Aleco at nakiusap na bigyan ng moratorium ang mga konsyumer sa pagbabayad ng bill sa kuryente at tubig. Kaila­ngan umanong palawigin muna ng naturang mga service providers ang itinakda nilang due date sa pagbabayad ng bill ng kani-kanilang konsyumer. Sinang-ayunan naman ito ng LCWD at Aleco at na­ngakong kakausapin ang kanilang mga board of directors.