MANILA, Philippines — Ang maitayo ang 2-0 lead ang kapwa hangad ng Barangay Ginebra at TNT Tropang 5G sa Season 49 Philippine Cup semifinals series sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Tatagayan ng Gin Kings ang San Miguel Beermen ngayong alas-5 ng hapon habang lalabanan ng Tropang 5G ang Rain or Shine Elasto Painters sa alas-7:30 ng gabi sa Game Two ng kani-kanilang semis duel.
Itinakas ng Ginebra ang 73-71 come-from-behind win sa San Miguel sa Game One ng kanilang best-of-seven semis showdown noong Miyerkules.
Muling ipinakita ng Gin Kings ang kanilang ‘never-say-die’ spirit matapos bumangon mula sa isang 18-point deficit, 25-43, sa second quarter at inagaw ang 70-69 abante sa Beermen sa huling dalawang minuto ng fourth period mula sa three-point shot ni Stephen Holt.
“Iyong defense namin, iyon ang dahilan kung bakit kami naka-stay sa game,” ani Ginebra guard Scottie Thompson na nagtala ng 16 points at 8 rebounds kontra sa SMB. “Kaya from the start of the ball game (Game 2), we have to be mindful especially on the defensive end.”
Sinamantala rin ng Gin Kings ang pagkakaroon ni eight-time PBA MVP June Mar Fajardo ng right calf injury kaya nagkulang ng produksyon ang Beermen.
Ang 2-0 lead din ang hangad ng TNT sa pagsagupa sa Rain or Shine na kanilang tinalo sa Game One, 98-91, tampok ang 28 points ni RR Pogoy.
“Laging sinasabi ni coach (Chot Reyes) na hindi kaya na isang tao lang manalo eh. We’re not the most talented team sa PBA, pero gagawin namin lahat to be the best team in the PBA,” ani ng 33-anyos na si Pogoy.