October 28, 2025 | 12:00am
TAYABAS CITY, Philippines — Patay na nang matagpuan ang dalawang bata makaraang tangayin ng malakas na agos at malunod makaraang dumayo pa sa paliligo sa ilog kasama ang isa pang pinsan kamakalawa ng hapon sa boundary ng Barangay Bigo Pagbilao, Quezon at Barangay Mate, sa lungsod na ito.
Ang mga nasawi ay kinilala lang sa mga pangalang Roberto, at Gabriel, kapwa 11-anyos, elementary pupils at residente ng Purok 4, Barangay Tumbaga 1, Sariaya, Quezon.
Nakaligtas naman sa insidente ang pinsan ng dalawang nasawi na si Janel, 13 taong gulang.
Base sa salaysay ni Janel sa pulisya, nagkayayaan ang tatlong menor-de-edad na magpipinsan na maligo sa Mayao River na nasa pagitan ng Tayabas City at bayan ng Pagbilao kung saan ay tumakas lamang umano sila sa kanilang mga magulang.
Base sa salaysay ni Janel sa pulisya, pinsang babae ng mga biktima, nagkayayaan ang magpinsan na maligo sa Mayao River dakong ala-1:00 ng hapon.
Habang nagtatampisaw, maya-maya ay nakita umano ni Janel na ang dalawang pinsang lalaki na nagkakakawag at humihingi ng tulong dahil kapwa tinangay ng malakas na agos ng tubig.
Mabilis na humingi ng tulong sa mga kawani ng CDRRMO si Janel upang sagipin ang dalawang pinsan gayunman ay natagpuan na walang buhay sa ilalim ng Ilog si Roberto habang si Gabriel ay natagpuang patay sa batuhan na gilid na ilog.