BATANGAS, Philippines — Nag-anunsyo ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng pagsisimula ng dalawang buwang “closed season” o pagbabawal para sa pangingisda ng tawilis (Sardinella tawilis) sa lawa ng Taal mula Marso 1 hanggang Abril 30.
Sa isang advisory na ipinalabas ng DENR Calabarzon sa publiko, mahigpit na ipinagbabawal ang paghuli, pagbebenta, pag-trade, pag-transport, o anumang transaksyon na may kaugnayan sa tawilis sa loob ng nasabing panahon.
Ang mga lalabag ay maharap sa mga parusa alinsunod sa umiiral na mga batas pangkalikasan.
Ayon sa ahensya, hayaan muna silang mag-”spawn” o mangitlog para makapagpahinga ang tanging freshwater sardine sa buong mundo.
Ang tawilis, na matatagpuan lamang sa lawa ng Taal, ay may kakayahang mag-produce ng hanggang 18,000 itlog bawat season, bagaman ang karaniwang haba ng isdang ito ay nasa 12.7 sentimetro (limang pulgada).
Noong 2018, sinuri ng International Union for Conservation of Nature (IUCN) ang tawilis bilang isang endangered species, kaya’t ipinatupad ang taunang closed season upang maprotektahan at mapanatili ang kanilang populasyon.
Ang mga ilegal na paraan ng pangingisda—kabilang ang trawling, dredging, at paggamit ng fine-mesh nets—ay nagdudulot ng matinding banta sa tawilis.
