2 Chinese, 2 kasabwat sa nasabat na 43 sako ng shabu, kinasuhan


CAMP VICENTE LIM, Laguna , Philippines — Sinampahan na ng kasong kriminal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Mimaropa ang dalawang Chinese national at dalawa nitong Filipino na kasabwat kaugnay ng pagkakarekober ng 43 sako ng ilegal na droga sa Palaun at Mamburao, Occidental Mindoro, nitong Lunes.

Nananatiling itinago ng PDEA-Mimaropa, pulis, at militar ang pagkakakilanlan ng mga Chinese at dalawang Pinoy mula sa Nasugbu, Batangas dahil sa patuloy na back-tracking investigation at operasyon na isinasagawa ng PDEA at PNP.

Mga kasong paglabag sa Section 5 ng R.A. 9165 na kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa sa Calapan Prosecutor Office laban sa apat na suspek, kahapon ng umaga, ayon kay Faye Faltado, PDEA-Mimaropa public information office head.

Sinabi ni Faltadoz nasa kustodiya ng PDEA4B ang apat na suspek matapos silang sumailalim sa inquest proceeding sa Calapan Prosecutor’s Office habang nananatili sa kustodiya ng PDEA-4a ang nakuhang nasa 806 kilo ng kontrabando na tinatayang nagkakahalaga ng P5.4 bilyon.

Kahapon, pinangunahan nina Interior and Local Government Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla at PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez, ang presentasyon ng pagbawi ng iligal na droga sa press briefing sa PDEA Regional Office sa Barangay Sta. Isabel, Calapan City, Oriental Mindoro.

Narekober ang 43 sako ng iligal na droga at karagdagang 10 pakete na hindi inilagay sa loob ng mga sako at isang sako na naglalaman ng 20 pakete, na may kabuuang 806 kilo ay kabilang sa mga iprinisinta sa media.

Sa rehiyon ng Calabarzon, iniutos ni regional director Brig. Gen. Hanzel Marantan, sa lahat ng kanyang chief of police na may hurisdiksyon sa mga kalapit na dalampasigan at coastal areas na mahigpit na bantayan at su­baybayan ang paggalaw ng sinumang indibiduwal na hinihinalang sangkot sa aktibidad ng ilegal na droga at smuggling ng sigarilyo.