September 26, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Dalawang lalaking armado ng mga itak na target sanang arestuhin sa isang anti-narcotics operation ang nasawi nang sugurin at pagtatagain ang mga otoridad na aaresto sa kanila sa Barangay Camino Nuevo sa Zamboanga City nitong Lunes ng gabi.
Kinumpirma nitong Miyerkules, September 24, ng mga pulis sa Police Regional Office-9 at ng sakop nitong Zamboanga City Police Office ang pagkamatay ng mga suspek na sina Harold Campo Elum; at Melvin Flores,kapwa 45-anyos.
Nagtamo naman ng sugat sa kamay si P/Senior Master Sgt. Ajlen Julkarnain sa naturang insidente at agad na naisugod ng kanyang mga kasama at mga barangay emergency responders sa isang ospital para malapatan ng lunas.
Ayon sa mga local officials, target ng isang entrapment operation sana sina Elum at Flores,mga kilalang umanong shabu at marijuana dealer na biglang pumasok sa bahay at nang lumabas ay armado ng mga itak at sinugod ang mga pulis na nagpanggap na buyer ng shabu sa isang lugar sa Barangay Camino Nuevo at nataga si Julkarnain.
Isang pulis pa, si P/Corporal Nashri Abdulsabur, ang nataga ngunit hindi naman nasugatan dahil ang kanyang sling bag ang nahagip ng itak nito at nasira.
Ayon sa mga opisyal ng PRO-9, may nakuhang abot sa P34,000 na halaga ng shabu sa mga bulsa ng mga napatay na sina Elum at Flores.
