2 motor sinuwag ng bus: Sundalo dedo, 3 pa sugatan


Tony Sandoval — Pilipino Star Ngayon

October 28, 2025 | 12:00am

LOPEZ, Quezon, Philippines — Patay ang isang miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) habang nasugatan ang kanyang tatlong kabarong sundalo makaraang araruhin ng kasalubong na passenger bus ang dalawang motorsiklong kanilang sinasakyan sa Maharlika Highway sa Barangay Talolong, ng bayang ito, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Nico, may ­sapat na taong gulang na nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo at katawan habang ginagamot ngayon sa Quezon Provincial Hospital Network-Magsaysay Lopez dahil sa tinamong mga sugat sa iba’t ibang parte ng katawan sina Emmer, 38, backrider ni Nico, Erwin, 29, at backrider na si Reynaldo, 32, pawang mga miyembro ng 85th IB, 2ID PA na nakabase sa Calauag, Quezon.

Base sa imbestigasyon ng Lopez Police, dakong alas-12:10 ng madaling araw habang sakay sa dalawang motorsiklo ang mga biktima at tinatahak ang highway patungo sa kanilang headquarters nang sagasaan umano sila ng Manila bound na Higer Bus na minamaneho ng isang alyas “Robert” ng Iriga City.

Nakaladkad pa umano ng ilang metro ang dalawang motorsiklong kinalululanan ng mga sundalo at nang huminto ang bus ay mabilis na tumakas ang driver nito.