2 pa sugatan 3 CAFGU niratrat ng kasamahan, todas


Joy Cantos — Pilipino Star Ngayon

February 20, 2026 | 12:00am

MANILA, Philippines — Patay ang tatlong kasapi ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) Active Auxiliary habang dalawa pa ang nasugatan matapos ratratin ng kanilang kasamahan ang kanilang patrol base sa Brgy. Apatan, Pinukpuk, Kalinga noong Martes ng gabi.

Sa report ng Kalinga Provincial Police Office (PPO), nangyari ang insidente sa Allangigan Patrol Base sa nasabing lugar bandang alas-8:50 ng gabi. 

Ang suspect na mabilis na tumakas ay isa ring CAFGU Active Auxiliary na kasamahan ng mga biktima.

Base sa imbestigasyon, abala sa pagtatanod sa kanilang patrol base ang nasabing mga CAFGU nang biglang sumulpot ang suspect na may bitbit na M16 armalite rifle at walang pakundangang paulanan ng bala ang nasorpresa nitong mga kasamahan. 

Nasakote naman sa followup operations ng pulisya ang suspect  na nagtatago sa isang liblib na lugar sa bayan ng Pinukpuk.

Ang mga nasugatan ay patuloy pang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.

Patuloy namang isinasailalim sa masusing imbestigasyon ang motibo ng krimen. Ang suspect ay kasalukuyan na ngayo’y nakapiit sa detention cell ng pulisya na nahaharap sa kasong 3 counts ng murder at 2 counts ng attempted murder.