Babae sa Taiwan, makukulong ng 3 buwan matapos insultuhin ang kapitbahay gamit ang megaphone!


MGA KUWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

February 19, 2026 | 12:00am

Hinatulan ng isang korte sa Taiwan ng tatlong buwang pagkakakulong ang isang babae matapos itong maghasik ng perwisyo sa kanyang komunidad sa pamamagitan ng paggamit ng megaphone upang murahin at insultuhin ang kanyang mga kapitbahay sa dis-oras ng gabi.

Kinilala ang akusado sa apelyidong Chen. Ayon sa reklamo ng dose-dosenang residente, nagkabit si Chen ng sound-amplifying equipment sa kanyang balkonahe at ginamit ito upang mag-”broadcast” ng mga insulto sa maxi­mum volume.

Nagsimula ang kalbaryo ng mga kapitbahay noong Mayo 2023 at tumagal ito ng halos dalawang taon. Ginagawa umano ito ni Chen nang hindi bababa sa tatlong beses kada linggo, na tumatagal ng ilang minuto bawat sesyon.

Sa depensa ni Chen, inamin niya ang paggamit ng megaphone ngunit iginiit na gumaganti lamang siya dahil sa ingay ng kanyang mga kapitbahay na nakakaistorbo sa kanyang tulog.

Gayunman, ibinasura ng hukom ang kanyang katwiran at nagdesisyon na “beyond reasonable” at hindi na matitiis ng lipunan ang kanyang ginawa.

Ang hatol na tatlong buwang kulong ay maa­ari ring palitan ng multang NT$90,000 (mahigit P150,000), ngunit maaari pa itong iapela ng akusado.