Sanggol inilibing nang buhay sa bukid; ina arestado


Joy Cantos — Pilipino Star Ngayon

February 20, 2026 | 12:00am

MANILA, Philippines — Inilibing nang buhay ang isang bagong silang na sanggol ng walang puso nitong inang sekyu sa isang bukirin na taniman ng mais sa karumaldumal na krimen sa Bayambang, Panga­sinan noong Martes ng umaga, ayon sa ulat kahapon.

Sa ulat ng Pangasinan Police, bandang alas-8 ng umaga nang bumisita ang isang negosyante sa kaniyang taniman ng mais at madiskubre ang krimen matapos na mapansin at sundan ang mga patak ng sariwang dugo sa maisan.

Dahilan sa matin­ding pagtataka at masamang kutob ng negosyante ay inutusan nito ang kaniyang mga trabahador na tulu­ngan siyang hanapin ang pinanggalingan ng dugo, pero wala silang natagpuang sugatang tao o hayop sa lugar.

Habang naglilibot ang negosyante, mga trabahador nito sa maisan kasama ang ilang mga residente sa lugar ay napansin ng mga ito ang nakaumbok na lupa na may tambak ng damo sa ilalim ng punong ­mangga sa lugar.

Nang hukayin ito ay nagimbal ang mga ito  ng makita ang isang kulay itim na plastic ng basurahan na may mga bakas pa ng dugo na nakabaon sa lupa.

Agad ng mga itong binuksan ang nasabing plastik at laking gulat ng madiskubre itong isang bagong silang na sanggol na tila naghihingalo na kung saan ay mabilis nila itong isinugod sa pagamutan.

Gayunman, bigo ng maisalba sa Bayambang District Hospital ang sanggol na ayon sa mga doktor ay nasawi sa cardiorespiratory arrest matapos itong maubusan ng hangin nang ili­bing ng buhay.

Sa follow-up operations ay nasakote ng pulisya ang suspect na isang 32 anyos na misis na nagtratrabaho bilang lady guard at residente rin ng nasabing bayan. Kasalukuyan na ngayong humihimas ng rehas na bakal ang suspect na nahaharap sa kasong infanticide.