Pamilya, nahuli sa CCTV ng restaurant na nagtanim ng buhok sa kanilang pagkain para hindi magbayad ng bill!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

February 18, 2026 | 12:00am

NAGBIGAY BABALA ang kilalang restaurant na ‘Pony’ sa Sydney, Australia sa mga katulad nilang establisimiyento matapos silang mabiktima ng isang scam. Isang pamilyang turista mula sa Ireland ang inakusahang nanadya na maglagay ng buhok sa kilikili sa kanilang inorder na pagkain upang takasan ang bill na nagkakahalaga ng $600 (mahigit P33,000).

Ayon sa ulat, umorder ang naturang grupo ng mga mamahaling pagkain, kabilang ang isang 1.8kg tomahawk steak, entrees, at mga inumin. Matapos halos ubusin ang pagkain, nagreklamo ang pamilya na may buhok umano sa kanilang plato.

Sa CCTV footage na inilabas ng head chef ng Pony na si Neil Nolan, kitang-kita ang modus ng lalaking customer. Habang paubos na ang pagkain, dahan-dahan itong dumukot ng buhok mula sa kanyang sariling kili-kili at inilagay ito sa plato bago tumawag ng waiter.

Nag-alburoto ang lalaki at tumangging magbayad habang ang kasama nitong babae ay umiyak pa para gumawa ng eksena. Napansin ng kitchen staff na blonde ang buhok na nasa plato, gayong wala namang blonde sa kanilang mga kusinero. Upang hindi na makaabala sa ibang customers, napilitan ang management na i-waive o ilibre na lang ang buong bill.

Huli na nang makita nila sa replay ng CCTV ang panloloko. Napag-alamang peke rin ang iniwang contact details ng pamilya at umalis na ang mga ito sa lugar. Ibinahagi ni Nolan ang video sa social media upang balaan ang iba pang hospitality venues laban sa ganitong klaseng modus.