October 15, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Dalawang “persons of interest” ang natukoy ng Philippine National Police (PNP) sa kaso ng ambush-slay sa dating legal researcher ng National Irrigation Administration (NIA)-Region 10 at whistleblower ng korapsyon sa mga proyekto ng ahensiya na pinagbabaril sa Cagayan de Oro City noong Oktubre 10.
Ayon kay Police Regional Office (PRO) 10 Director P/Brig. Gen. Christopher Abrahano, sinabi nito na ang dalawang natukoy na persons of interest ay lumutang sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa kaso ng pagpatay sa 40-anyos na biktimang si Atty. Niruh Kyle Antatico.
“We have persons of interest that we’re looking at. We are confident that, at the soonest possible time, we will resolve this crime,” ayon kay Abrahano.
Samantala. bukod sa dalawang persons of interest ay kumpiyansa silang matutumbok ang iba pang may malaking partisipasyon kabilang ang mastermind sa pagpatay sa biktima.
Nag-alok na rin ng P100,000 reward money ang NIA sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para sa ikadarakip sa mga suspect.
“There was a threat to the life of the victim as early as last year, but we’re looking into all angles,” dagdag ng opisyal Abrahano.
Matatandaan na si Antatico ay pinagbabaril ng riding-in-tandem sa bahagi ng Crossing Patag, Cagayan de Oro City nitong Oktubre 10. Hinihinalang may kinalaman sa pagbubunyag ng biktima sa social media sa umano’y korapsyon sa P75 milyong project ng NIA sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.