ISANG kakaibang insidente ang gumulat sa isang komunidad sa Bihar, India, matapos mapatay ng dalawang taong gulang na lalaki ang isang cobra na pumulupot sa kanyang mga kamay.
Ang bata, na kinilalang si Govinda Kumar, ay naglalaro malapit sa kanilang bahay nang makita niya ang ahas.
Ayon sa mga ulat, binato muna ng bata ang ahas, na naging dahilan upang gumanti ito at pumulupot nang mahigpit sa kanyang kamay.
Ngunit sa halip na sumigaw, kinagat ng bata ang ahas na naging sanhi ng agarang pagkamatay nito.
“Nang makita namin ang ahas sa kamay ng bata, nagmadali kami, pero nakagat na niya ito at napatay,” kuwento ng lola ni Govinda.
Matapos ang insidente, agad na nawalan ng malay si Govinda dahil sa kamandag at isinugod sa Government Medical College Hospital.
Ayon sa mga doktor, ang mabilis na pagresponde at paggamot ang nagligtas sa buhay ng bata. Sinabi ng medical team na ang epekto ng kamandag ay hindi gaanong malubha, habang ang ahas ay namatay dahil sa pinsalang natamo nito sa ulo mula sa kagat ng bata.
Ang pangyayari ay ikinagulat nang marami, at inihambing pa sa isang kuwento sa Hindu Mytholody kung saan tinalo ni Lord Krishna, na kilala rin sa tawag na Govinda, ang serpent na si Kaliya na maraming ulo.
Inilarawan ng mga doktor ang kaso bilang “highly unusual” o napakapambihira.
Sa kasalukuyan, si Govinda ay nasa mabuti nang kalagayan at nailabas na sa hospital ng kanyang lola. Sabi ng lola, hindi na niya hahayaang maglaro sa labas ng bahay si Govinda.