Lalaki sa Thailand, namatay dahil beer lang ang kinonsumo sa loob ng 1-buwan!


Isang 44-anyos na lalaki sa Rayong, Thailand ang natagpuang patay sa kanyang tahanan matapos umanong mabuhay sa pag-inom lamang ng beer sa loob ng mahigit isang buwan.

Ang malagim na pangyayari ay pinaniniwalaang resulta ng kanyang paraan ng pagharap sa matinding kalungkutan dulot ng diborsiyo.

Kinilala ang biktima na si Thaweesak Namwongsa. Ayon sa mga ulat, rumesponde ang mga rescue worker noong nakaraang linggo matapos makatanggap ng tawag na si Namwongsa ay inatake ng seizure at nawalan ng malay.

Subalit pagdating sa lugar, idineklara na siyang patay.

Ang kanyang 16-anyos na anak na lalaki ang naka­tuklas sa kanyang kalagayan pag-uwi nito mula sa eskwelahan.

Tumambad sa mga awtoridad ang higit sa 100 bote ng beer na maayos na nakahanay sa sahig ng silid-tulugan ng biktima.

Ayon sa kanyang anak, araw-araw niya itong ipinagluluto ng pagkain, ngunit palagi itong tuma­tanggi at beer lamang ang kinokonsumo sa loob ng mahigit isang buwan.

Pinaghihinalaan na ang pag-inom ng alak ang naging paraan ni Namwongsa upang makalimutan ang pighati ng kanyang pakikipaghiwalay sa asawa.

Nagbabala ang mga eksperto ukol sa panganib ng pagkonsumo ng beer bilang kapalit ng pagkain. Bagama’t mayaman sa calories, kulang ito sa mga mahahalagang sustansiya na kailangan ng katawan.

Ang labis na pagkonsumo nito ay maaaring magdulot nang matinding “nutrient deficiency” at pinsala sa atay o “liver damage.”

Ang pagkamatay ni Namwongsa ay nagsisilbing isang malungkot na paalala sa panganib ng paggamit sa alak para makalimot sa mga problema.