2 teenagers sa China, pinagmumulta nang malaking halaga dahil sa pag-ihi sa hotpot ng shabu-shabu restaurant!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

September 30, 2025 | 12:00am

DALAWANG 17-anyos na lalaki sa Shanghai, China ang hinatulan ng korte na magbayad ng 2.2 million yuan (?17.5 million) matapos mag-viral ang video nila na umiihi sa hotpot dish ng sikat na hotpot restaurant chain.

Ang insidente, na naganap noong Pebrero 24, 2025 ay nagdulot nang matin­ding galit online at napilitang mag-refund ang restaurant sa higit 4,000 customer, at nagsagawa nang malawakang paglilinis at pagpapalit ng mga plato, baso at kub­yertos.

Noong Marso 14, nagsampa ng civil lawsuit ang restaurant laban sa dalawang tinedyer na nagnga­ngalang Tang at Wu, at sa kanilang mga magulang. Humingi ang restaurant ng kompensasyon para sa pinsala sa reputasyon at pagkalugi.

Nitong Setyembre 12, nagpasya ang Shanghai Huangpu District Court na magbayad sila ng kabuuang 2.2 million yuan: kasama rito ang 130,000 yuan para sa nasirang gamit, 2 million yuan para sa pagkalugi at reputasyon, at 70,000 yuan para sa legal fees.

Tinawag ng netizens ang pangyayari bilang “pinakamahal na pag-ihi sa kasaysayan”.