Remogat pinasiklaban dating team | Pilipino Star Ngayon


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

September 29, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Naghuramentado sa opensa si Rey Remogat upang akbayan ang defending champion University of the Philippines sa 92-75 panalo kontra sa dating koponan na University of the East sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament na nilaro sa SMART Araneta Coliseum sa Quezon City kahapon.

Matapos matisod sa unang dalawang laro laban sa host school University of Sto. Tomas at Adamson University ay biglang nagliyab si Remogat para pamunuan ang Fighting Maroons sa pagtambak sa Red Warriors.

Tumikada si Remogat ng 21 points at 11 assists para tulungan ang UP na ilista ang 1-2 karta habang ipinalasap nila sa Red Warriors ang pangatlong sunod na kabiguan.

Nagkumahog ang 21-anyos na si Remogat sa unang dalawang laro nito sa UP kung saan ay nag-average ito ng 2.5 points mula sa 20-percent shooting, 2.0 assists, 1.0 rebound, at 1.0 turnover.

Nailabas ni Remogat ang kanyang tikas laban sa kanyang dating koponan.

Lamang ang Red Warriors ng walong puntos, 17-9 sa first quarter, nag-init ang opensa ni Remogat ng nagtala ng limang triples upang agawin ng Fighting Maroons ang bentahe, 36-53 sa halftime.

Nanatili ang matikas na laro ng UP sa third quarter kung saan ay lumobo pa sa 20 puntos ang kanilang lamang matapos sumalpak sina Remogat at Mark Belmonte ng back-to-back triples.

Umiskor si Miguel Pa-l­anca sa loob at tumarak si Gerry Abadiano ng tatlong free throws para sa 74-54 lamang papasok ng fourth period.

Tumulong sa opensa kay Remogat ay si Nigerian forward Francis Nnoruka na kinamada ang 14 markers mula sa 6-of-12 shooting, 10 rebounds, at tatlong blocks habang nag deliver si Gani Stevens ng double-double 14 points at 10 boards.

Sa unang laro, tinalo ng Ateneo University  ang A­damson University, 77-58.