LA susunod sa yapak ni Jawo


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

September 27, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Namumurong sundan ni LA Tenorio ang yapak ng alamat na si Robert Jaworksi Sr. matapos mailista bilang playing head coach ng Magnolia para sa Season 50.

Kasali si Tenorio sa 15-man roster ng Hotshots bagama’t nasa injured/re­serve list muna upang magkaroon ng malaking posilbidad na maglaro rin matapos italaga bilang bagong head coach ng koponan kapalit ni Chito Victolero noong Hulyo.

“I’m part of the lineup. I think I’m in the injury list. It depends on the management. My rights is with Magnolia now so I have a chance. But we’ll see,” ani Tenorio sa ginanap na PBA Media Day kahapon sa Elements Eton Centris sa Quezon City.

Sa ngayon dahil nasa injured/reserve list ay makakapaglaro lang si Tenorio kung mababawasan ang active roster ng Magnolia dahil sa injuries ng ibang manlalaro na siya rin ang magdedesisyon.

Bukod kay Jaworski na naging playing head coach ng Barangay Ginebra at ng Philippine national team, ilan pa sa nagkaroon ng parehong posisyon sa PBA ay si 4-time PBA MVP Ramon Fernandez kasama ang mga legendary imports na sina Norman Black at Bobby Parks.

Para kay Tenorio, mahirap na responsibilidad ang pagiging playing head coach at isa lamang ang matagumpay na nakagawa nito sa kasaysayan ng PBA simula 1975.

“There’s only one person who can do that and its coach Sonny (J­aworski). And siyempre, high respect tayo diyan,” anang 41-an­yos na si Tenorio.