Tayabas, Candon City tatayuan ng training center ng PSC


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

September 13, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Dalawang probinsya ang gagawing regional at national training center ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa grassroots at elite sports.

Magtatayo ang PSC ng isang multi-purpose sports complex sa Tayabas, Quezon para sa track and field oval, football field, gymnasium, training center at diamond fields para sa softball at baseball.

Nilagdaan nina PSC chairman Pato Gregorio at Quezon Governor Helen Tan ang isang Usufruct Agreement para sa paggamit ng isang 10-hectare property sa Brgy. Baguio.

Plano ni Gregorio na gawing isang softball at baseball hub ang lugar.

“Mahilig kasi ang Quezon, Batangas, Cavite, at Laguna sa softball. So, gagawin natin itong softball at baseball hub, ‘yung national team dito mag-te-training, dito ‘yung mga competition, at dito maglalaro ‘yung mga bata,” sabi ng PSC chief.

Naniniwala si Tan na ang pagkakaroon ng regional training center sa kanilang probinsya ang magbibigay ng pagkakataon sa mga CALABARZON athletes na mapabuti ang kanilang mga laro.

“The said project is expected to strengthen sports development and provide greater opportunities for athletes in CALABARZON to excel in their respective fields,” ani Tan.

Ang inisyatibo ay mula na rin sa direktiba ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mailapit ang sports sa mga komunidad at mapalawak ang grassroots platforms para sa paglinang sa mga national athletes.

Bukod sa Tayabas, Quezon ay plano rin ng PSC na magtayo ng isang national training center sa Candon City, Ilocos Sur.

Gusto ni Candon City Mayor Eric Singson na magkaroon ng training center para sa archery katuwang ang PSC at World Archery Philippines.