October 1, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Magbabalik si dating Premier Volleyball League (PVL) Best Import Lindsey Vander Weide sa Petro Gazz para sa 2025 Reinforced Conference na papalo sa Oktubre 5.
Inihatid ng American outside hitter ang Gazz Angels sa pagrereyna sa nasabing torneo mula sa kanyang pagiging fourth-best scorer sa hinataw na 161 points at fourth-best spiker sa kanyang 36.04 percent efficiency rate.
Kinilala rin si Vander Weide bilang kauna-unahang Best Foreign Guest Player sa professional era ng PVL bukod sa pagiging Finals MVP sa pagwalis ng Petro Gazz sa Cignal HD sa kanilang championship series.
Nauna nang inangkin ng Gazz Angels ang nakaraang 2025 PVL All-Filipino Conference crown laban sa Creamline Cool Smashers.
Muli ring makakasama ni Vander Weide sa Petro Gazz ang kanyang dating University of Oregon teammate na si Brooke Van Sickle.
Bago magbalik sa Pinas ay naglaro muna ang American spiker sa Changas de Naranjito sa Puerto Rico at sa San Diego Mojo, Athletes Unlimited Orlando Valkyries sa US.
