MANILA, Philippines — Nagpataw si US President Donald Trump sa Pilipinas ng 20% na taripa sa lahat ng produktong galing sa Pilipinas simula sa Agosto 1, kasabay ng pagbabanta na magdaragdag ng iba pang buwis kapag gaganti ang Pilipinas sa katulad na aksyon.
Ito ang nakasaad sa liham ni Trump kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may petsang Hulyo 9, kasabay ng iba pang abiso na ipinadala ng White House sa anim pang ibang bansa.
“If for any reason you decide to raise your Tariffs, then, whatever the number you choose to raise them by, will be added onto the 20% that we charge,” base pa sa liham ni Trump kay Marcos.
Dahil dito kaya magtutungo naman sa Estados Unidos sa susunod na linggo sina Special Assitant to the President for Investment and Economic Affairs Secretary Frederick Go at iba pang economic advisers ng administrasyon para makipagpulong sa kanilang counterparts tungkol sa nasabing tariff.
Nagpahayag ng pagkabahala si Go sa hakbang ng US na magpataw ng 20% taripa sa Philippine exports, sa kabila na ito ang pangalawa sa pinakamababang reciprocal tariffs na ipinataw ng US sa rehiyon, pangalawa sa Singapore na 10%.
Nangako naman si Go na patuloy ang kanilang pakikipagnegosasyon sa Amerika para ituloy ang bilateral comprehensive economic agreement kung posible.
Nilinaw naman ng Kalihim na hindi papatawan ng 20% taripa ang semiconductor at electronics kundi ang papatawan lang ay ang mga ibang produkto tulad ng aluminum, steel at iba pang katulad nito na hindi naman ini-export ng Pilipinas.
