2025 SEAG paghahandaan ng Philippines handball teams


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

February 20, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Gagamitin ng dalawang Philippine handball teams ang sasalihang torneo sa Muscat, Oman sa Mayo bilang preparasyon sa darating na 33rd Southeast Asian Games sa Thailand sa Disyembre.

Nagmula ang natio­nal men’s at women’s teams sa matagumpay na kampanya sa nakaraang Southeast Asian Beach Handball Championships na idinaos sa Suphanburi, Thailand.

Kumuha ang national men’s crew ng gold medal  habang may bronze naman ang women’s team.

Sunod silang sasabak sa 10th Asian Men’s and Women’s Beach Championship na nakatakda sa Mayo 1 hanggang 10 sa Muscat, Oman kasama sa kanilang paghahanda sa 2025 SEA Games.

Nakataya sa nasabing torneo ang world championship berths ngayong taon.

“We needed to compete sa mga international competition para makita namin ‘yong mga kailangan naming i-work on,” wika ni national team head coach Gab De Guzman.

Hindi pa nananalo ng gintong medalya ang Phi­lippine handball teams sa SEA Games kung saan may isang pilak at isang tansong medalya lamang sila.

“Talagang pagha­handaan po namin itong sa Asian Championship, so pagdating po ng SEA Games we can pull off a great performance there,” sabi ni De Guzman.

Sa Asian Champions ay makakatapat ng national men’s team ang mga tropa ng Qatar, Iran, Pakistan at host Oman.

Lalabanan naman ng national women’s squad ang Vietnam, India at Hong Kong.