27 armas pandigma isinuko sa Central Mindanao


COTABATO CITY, Philippines — Kusang loob na ipinakustodiya nitong Huwebes sa 40th Infantry Battalion ng mga residente ng limang bayan sa Central Mindanao ang 27 na mga combat weapons bilang suporta sa Small Arms and Light Weapons Management Program ng Philippine Army sa rehiyon.

Isinuko ng mga may-ari ang kanilang mga M14 at M16 assault rifles, rocket at grenade launchers at isang .45 caliber pistol sa mga opisyal ng 40th IB, pinamumunuan ni Lt. Col. Erwin Dumaghan, at kay Brig. Gen. Ricky Bunayog, commander ng 602nd Infantry Brigade, sa isang simpleng seremonyang ginanap sa Barangay Ladtingan sa Pikit, Cotabato.

Sa ulat nitong Biyernes ni Major Gen. Donald Gumiran, commander ng 6th Infantry Division, isinuko ang naturang mga armas pandigma ng mga residente ng Pikit at Mlang sa Cotabato, Pagalungan at Datu Montawal sa Maguindanao del Sur at ng Kapalawan sa Bangsamoro Special Geographic Area sa pakiusap nila Bunayog at Dumaghan.

Ang dalawang Army officials ay magkatuwang sa pagpapatupad sa naturang mga bayan ng SALW Management Program ng 6th ID at ng tanggapan ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Adviser Carlito Galvez, Jr.

Mahigit 700 assault rifles, rocket at grenade launchers, M60 at .30 caliber machineguns, at 60 at 81 millimeter mortars, mga shotgun at mga pistol ang nakolekta na ng mga units ng 6th ID sa Central Min­danao mula nang sinimulang ipatupad noong Hulyo 2024, ng division at ng tanggapan ni Galvez ang SALW Management Program sa rehiyon.