LUCENA CITY, Philippines — Malapit nang buksan ang moderno at mas pinalawak na passenger terminal building (PTB) ng Port of Lucena na inaasahang magbibigay ng mas maginhawa at maayos na serbisyo sa libu-libong pasahero at turista na bumibiyahe patungo sa iba’t ibang bahagi ng Quezon at karatig-lalawigan.
Ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez, layunin ng proyekto na gawing mas moderno, ligtas, at passenger-friendly ang mga pantalan sa bansa alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isinagawang inspeksyon sa Port of Lucena, sinabi ni Lopez na ang bagong terminal ay may kapasidad na tumanggap ng hanggang 1,000 pasahero upang maiwasan ang pagsisiksikan lalo na tuwing peak travel season.
Kasama ni Lopez sa pagbisita sina Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago at DOTr Undersecretary for Planning and Project Development Teodorico Delfin upang suriin ang progreso ng proyekto bago ito tuluyang buksan sa publiko.
Malaking tulong ang bagong PTB hindi lamang sa mga biyahero kundi maging sa sektor ng turismo at ekonomiya ng Quezon at mga kalapit na lalawigan.
Mas mapapadali na rin ang proseso ng pagbili ng tiket dahil magkakaroon na ng automated ticketing counters sa loob ng terminal.
Bukod dito, nilagyan din ng solar panels ang gusali bilang bahagi ng pagsusulong ng sustainable at environment-friendly na paggamit ng enerhiya sa mga pantalan.