2nd win tutuhugin ng Gilas


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

December 1, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —Target ng Gilas Pilipinas na maipagpatuloy ang matikas na simula nito sa muling pakikipagtuos sa Guam sa first window ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers ngayong araw sa Blue Eagle Gym sa Ateneo de Manila University sa Katipunan, Quezon City.

Nakatakda ang salpukan sa alas-7:30 ng gabi kung saan pakay ng Pinoy cagers na walisin ang dalawang asignatura nito kontra sa Guam.

Nauna nang nagtala ang Gilas Pilipinas ng impresibong 87-46 panalo sa Guam na ginanap sa Calvo Field House upang makuha ang 1-0 rekord sa Group A.

Inaasahang dudumugin ang Blue Eagle Gym ng mga Pinoy fans na nais masaksihan ang laban ng Gilas Pilipinas.

Umaasa rin si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na makatutulong ng malaki ang home crowd para mas lalo pang ganahan ang kanyang bataan.

“Hopefully, we got the home crowd, and have us pumped up. We love our basketball back home, everybody knows that. And we’re gonna have a big sellout whenever Gilas plays,” ani Cone.

Desidido ang Guam na makabawi matapos ang masaklap na kabiguan nito sa kanilang home court noong Biyernes.

Subalit handa ang Gilas Pilipinas na tapatan ang anumang puwersang ilalatag ng visiting team.

“We don’t play at home very often, so when we do, everybody’s excited to watch them,” ani Cone.

Muling sasandalan ng Gilas Pilipinas si naturalized player Justin Brownlee na humataw ng husto sa kanilang unang panalo matapos itarak ang 22 puntos.

Lamang na lamang din ang Gilas sa shaded area nang magtala ito ng 61 rebounds laban sa 36 lamang ng Guam.

Parehong may 10 rebounds sina June Mar Fajardo at Quentin Millora-Brown habang nagdagdag si AJ Edu ng walong boards.

Kukuha ng lakas ang Guam kay Jericho Cruz na naglista ng 17 puntos sa kanilang huling laro ngunit kailangan nito ng solidong suporta mula kina Tai Wesley at Jonathan Galloway.