September 16, 2025 | 12:00am
ISANG pambihirang insidente ang naganap sa Austria matapos tumakas ang tatlong matatandang madre mula sa kanilang retirement home at bumalik sa kanilang dating kumbento, ang Kloster Goldenstein sa Elsbethen. Ang mga madre, na may edad 82 hanggang 88, ay iginigiit ang kanilang karapatang manatili sa lugar na naging tahanan nila sa loob ng mahigit anim na dekada.
Sina Sister Bernadette, 88; Sister Regina, 86; at Sister Rita, 82, ang huling tatlong madre sa naturang kumbento. Ito ang nagsilbing tahanan at lugar kung saan sila naging guro dahil isa rin itong pribadong paaralan para sa mga kababaihan mula pa noong 1877. Puwersahan silang inilipat sa isang Catholic care home noong December 2023, matapos mag-take over ang Archdiocese of Salzburg at Reichersberg Abbey sa gusali noong 2022.
Iginiit ni Sister Bernadette na binigyan sila ng karapatang manatili sa kumbento hanggang sa kanilang kamatayan, ngunit ito raw ay hindi tinupad. Ayon kay Sister Rita, palagi siyang nalulungkot sa retirement home at labis ang kanyang kagalakan na nakauwi na sila.
Mariing tinututulan ni Provost Markus Grasl ng Reichersberg Abbey, superior ng mga madre, ang kanilang pagbabalik. “Hindi ko maunawaan ang ginawa ng tatlong madre. Ang mga silid sa kumbento ay hindi na angkop para sa matatandang madre na tulad nila,” sabi ni Grasl.
Sa kabila ng pagtutol ng simbahan, nananatili ang tatlong madre sa kumbento. Bahagyang naibalik na ang kuryente at tubig, at dinadalhan sila ng pagkain at pangangailangan ng kanilang mga tagasuporta, kabilang ang kanilang dating estudyante. Nagtungo na rin ang mga doktor upang tingnan ang kanilang kalagayan.
Ang pangyayaring ito ay nagpapakita ng kanilang pagtutol sa desisyon ng Archdiocese at ang kanilang determinasyong ipaglaban ang kanilang karapatan sa kanilang pinakamamahal na tahanan.