BAGUIO CITY, Philippines — Tatlong lalaki na Maranao ang patay matapos pagbabarilin sa isang remote area ng mga taong kanilang katagpuan para sa bentahan ng P1.2 milyong gold sa Sta. Teresa, Lal-lo, Cagayan nitong Huwebes.
Kinilala ng pulisya ang mga pinaslang na biktima na sina Salic Amerol, Mutalib “George” Amerol, at Janisah Macud-Amerol, mga naninirahan sa Muslim Compound sa Tuguegarao City, Cagayan.
Sa imbestigasyon, nabatid ng pulisya na nagtungo ang tatlong biktima sa bayan ng Lal-lo upang makipagkita sa isang taong kausap na nag-alok umano para bentahan sila ng gold na nagkakahalaga ng P1.2 million.
Ayon sa mga kaanak ng mga biktima sa mga imbestigador, lima katao ang unang umalis sa Tuguegarao City dakong alas-8 ng umaga sakay ng kotseng Toyota Vios ng Amerol couple. Nang makarating sa Lal-lo town proper, sinabing nakipagkita sila sa kanilang kontak na nagsabi na ang ginto na kanilang binibili ay matatagpuan sa malayo at liblib na barangay.
Kasunod nito, tatlo sa lima sa nasabing grupo ang tumuloy para makipagkita sa sinasabing seller sa Barangay Sta. Teresa habang ang dalawa ay naiwan.
Gayunman, natagpuan kalaunan ng mga awtoridad ang karumal-dumal na hitsura ng tatlong biktima na pawang patay na at may mga tama ng bala ng baril dakong ala-1 ng hapon ng nasabing araw.
Napag-alaman din ng pulisya na tinangkang bumalik ng mga suspek sa town center gamit pa ang sasakyan ng mga biktima upang hanapin ang dalawang nagpaiwan na kasamahan ng tatlong biktima pero nagawa nilang makapagtago.
Ayon kay Cagayan police director Col. Mardito Anguluan, nagsasagawa na sila ng operasyon upang makilala ang mga suspek kasunod ng panawagan ng mga kaanak at community leaders na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng tatlo.
