Pilipino Star Ngayon
September 1, 2025 | 12:00am
BATANGAS CITY, Philippines — Dinispatsa ng Letran ang University of Batangas, 25-22, 25-15, 25-20, para angkinin ang third place trophy ng 2025 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals Batangas Leg kahapon dito sa University of Batangas Millennium Gym.
Tinapos ng Lady Knights ang kanilang dalawang dikit na kamalasan para sa podium finish sa torneong itinataguyod ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
Nalampsan ng NCAA member school ang paghahabol ng Lady Brahmans sa third set para makabangon mula sa naunang kabiguan sa Far Eastern University Lady Tamaraws at sa NCAA champion St. Benilde Lady Blazers.
Pumalo si Verenice Colendra ng 17 kills para sa game-high 21 points sa pagbandera sa Letran.
Nakadikit ang UB sa 18-21 sa third frame matapos ang isang 4-1 atake tampok ang service ace ni Kylie Macatangay.
Ang dalawang puntos ng Lady Knights ang naglayo sa kanila sa 23-18 bago humataw ng magkasunod na iskor si Lady Brahmans open hitter Riza Drice na muling naglapit sa Lady Brahmans sa 20-23.
Nagtuwang sina Joralyn Panangin at Colendra para tuluyan nang selyuhan ang panalo ng Letran.
“Well, the first game of the tournament was difficult for us, we weren’t in the game at all. Yesterday’s game was perfect for us, every player stepped up and I like that very much. I’ve been here for a month and I like the improvement,” ani Lady Knights Finnish coach Aleksi Lahteenmaki.
Pinamunuan ni Macatangay ang UB sa kanyang 16 points kasunod ang 10 markers ni Drice.
