September 27, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Patay ang apat katao sa Bicol Region dahil sa matinding pinsala na inabot sa lakas ni Bagyong Opong sa rehiyon.
Batay sa ulat ng Office of Civil Defense Region 5 (OCD 5), ang tatlo sa mga nasawi ay mula sa Masbate habang ang isa ay mula sa Camarines Norte.
Ayon kay OCD 5 Regional Director Claudio Yucot, sa apat na nasawi, isa ay mula sa Monreal, Masbate sa Ticao Island na nabagsakan ng nabuwal na puno habang ang isa ay mula sa Mobo, Masbate na nahulugan ng debris at ang isa ay sa Masbate City na nabagsakan ng pader habang ang namatay sa Mercedes,
Camarines Norte ay tinamaan ng kidlat.
Ayon kay Masbate Governor Richard Kho, nasa 6,680 pamilya o 21,861 katao ang naapektuhan ni Opong sa 182 barangays sa 20 bayan at isang lungsod sa Bicol.
Samantala, isang simbahan naman sa Masbate na kinakanlungan ng ilang evacuees ay nawasak ang mga bintana maging ang pintuan at kisame dahil sa lakas ng hampas ng hangin doon. May ilang bata umano rito ang nagtamo ng sugat.
Ayon kay OCD OIC Bernardo Alejandro, nasa 400,000 katao ang nailikas sa lalawigan dahil sa tindi ng epekto ng bagyo doon.