MANILA, Philippines — Binulaga ng Letran ang defending champion College of St. Benilde matapos ilista ang 25-22, 25-23, 26-24 panalo sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament kahapon sa Lyceum of the Philippines University Gym sa Intramuros.
Bumigwas si Nizelle Aeriyen Martin ng 19 points upang tulungan ang Lady Knights na tuhugin ang Lady Blazers na nadungisan ang karta.
Tangan ang malinis na tatlong panalo, nasa solo second place sa team standings ang Letran kasunod ang St. Benilde na may 3-1 marka.
Solo sa tuktok ang University of Perpetual Help System DALTA (4-0).
Maliban kay Martin ay lumiyab din ang opensa nina Sheena Vanessa Sarie at Marie Judiel Nitura kaya nakapagtala ang Lady Knights ng malaking upset.
Kumana si Sarie ng 15 markers at may 12 points si Nitura para sa kanilang panalo at tuldukan ang 43-game winning streak ng Lady Blazers.