MANILA, Philippines — Lima katao ang kumpirmadong patay matapos na magsalpukan ang dalawang motorsiklo kamakalawa ng gabi sa Barangay Road, Brgy. Crossing Rubber, Tupi, South Cotabato.
Ayon kay Jed Patrick Loreno, Emergency Medical Technician Team Leader ng Tupi, nangyari ang aksidente bandang alas-9:12 ng gabi nitong Linggo.
Lumalabas sa imbestigasyon na sakay ng itim na XRM 125 motorcycle sina alyas “Boy,” 20, obrero, ng Brgy. Crossing Rubber, Tupi; “Darel,” 19 at “Ikay,” mula Brgy. Cebuano habang sakay naman ng itim na motorsiklong Rusi 125 sina “Christian,” 20 at “John”, 14.
Sina alyas Boy at alyas Christian ay kapwa walang lisensiya o OR/CR nang mangyari ang aksidente.
Nabatid na patungong Brgy. Cebuano ang XRM 125 habang patungo sa Brgy. Crossinng Rubber ang Rusi na kapwa mabilis ang takbo.
Nang makarating sa Barangay Road, nawalan ng kontrol si “Christian” at napunta sa lane ni “Boy” na nagresulta ng matinding banggaan sanhi ng agarang pagkamatay ng limang nabanggit na biktima matapos na magkalasug-lasog ang kanilang katawan.
