September 7, 2026 | 12:00am
DARAGA, Albay, Philippines — May magagamit na para sa mabilisang pagresponde at paglikas ang mga barangay na nasa paanan ng Mt. Mayon matapos na bahagi ng kabuuang 54-barangay na tumanggap ng tig-iisang Triton Mitsubishi Strada pickup truck mula sa gobyerno sa ginawang blessings and turnover ceremonies ng bayang ito, kamakalawa.
Ayon kay Mayor Victor Perete sa 18 LGUs sa buong Albay, ang bayan ng Daraga ang pinakahuling tumanggap ng rescue vehicles pero sulit naman dahil maganda ang pickup truck na ibinigay sa kanila at equipped pa ng first aid kit. Magagamit ito sa pagresponde at napapanahon dahil sa nagbabadyang muling pag-alburoto ang Bulkang Mayon. Ilang barangay ng bayang ito na nasa paanan ng bundok ay ang Brgy.Mii-isi, Budiao, Matnog, Salvacion, Alcala, at San Roque.
Pinasalamatan ni Perete si Ako Bicol Cong. Alfredo Garbin Jr., na gumawa ng paraan upang mabigyan ng P78-milyon sa pamamagitan ng local goverment support fund para sa pagbili ng naturang mga sasakyan.
Tinuran naman ni Garbin na dahil sa ang Bicol ay nasa peligro ng complex disaster o iba’t ibang kalamidad ay binigyan nila ng prayoridad na magkaroon ng sariling sasakyan ang bawat barangay.
Sa kabuuang 3,471 barangay sa buong Kabikolan, karamihan ay nabigyan na ng rescue and service vehicles at sa susunod na linggo ang mga lugar naman sa lalawigan ng Camarines Norte ang tatanggap.