ISANG 55-anyos na ama mula sa Rampur, India ang nakipagtanan sa kanyang magiging manugang, at tinangay pa nito ang mahahalagang alahas at ipon ng pamilya.
Kinilala ang ama sa pangalang Shakeel, may anim na anak at may tatlong apo. Ayon sa kanyang asawa na si Shabbana, si Shakeel mismo ang nagpursiging ipakasal ang 17-anyos nilang anak na si Aman kay Ayesha, isang dalaga mula sa kalapit na bayan.
Bagamat tumutol si Shabbana sa kasal dahil sa murang edad ni Aman at kakulangan sa pinansiyal na kapasidad, itinuloy pa rin ni Shakeel ang preparasyon. Ngunit imbes na kasal ng anak ang ituloy, si Shakeel pala mismo ang may kursunada kay Ayesha.
“Yung babaing dapat ay manugang ko, asawa na ngayon ng mister ko,” pahayag ni Shabbana sa panayam ng local news agencies.
Ilang ulit na rin daw dumalaw si Shakeel kay Ayesha sa ngalan ng “wedding preparation”. Ngunit may kutob na raw si Shabbana mula pa noong una.
Nang komprontahin niya ang mister, siya pa raw ang sinigawan at sinaktan nito. Kalaunan, nakuha ni Shabbana ang ebidensiya ng relasyon: mga mensahe sa cell phone.
Ipinakita niya ito sa anak na si Aman, na agad nagpasyang hindi na ituloy ang kasal kay Ayesha.
Noong nakaraang buwan, habang nasa Delhi si Shakeel para sa “trabaho”, tumawag ito sa pamilya at inamin na siya na mismo ang magpapakasal kay Ayesha.
Kasabay nito, nadiskubre rin ni Shabbana na nawala ang mahigit 200,000 rupees (katumbas ng ?140,000) na ipon at mga gintong alahas.
Ayon sa lokal na pulisya, may pananagutang kriminal si Shakeel dahil sa pagnanakaw, ngunit hindi pa raw nagsasampa ng pormal na reklamo ang pamilya kaya wala pa silang magawang hakbang ukol dito.
Itinanan ng ama ang babaing pakakasalan sana ng kanyang anak.