Pilipino Star Ngayon
October 28, 2025 | 12:00am
COTABATO CITY, Philippines — Sugatan ang lima katao nang ararurin ng rumaragasang truck ang anim na kabahayan na gawa sa semi-permanent materials habang tatlong motorsiklo pa na nakaparada sa gilid ng highway ang nadamay na mawasak sa Barangay Noa sa Magpet, Cotabato nitong umaga ng Lunes.
Kinumpirma ni Alvin Egas, chairman ng Barangay Noa, at ng mga imbestigador ng Magpet Municipal Police Station (MPS) na nagtamo ng mga sugat at pasa sa katawan ang driver na si Alvin Ilorica, dalawa niyang kasama at dalawang iba pa na nakatira sa mga bahay na sinuyod ng kanyang truck.
Ayon kay Egas at mga officials ng Magpet MPS, nawalan si Ilorica ng kontrol ng minamanehong truck na kargado ng saging na ihahatid sana sa isang pier sa Davao City, dahil sa biglaang pagkasira ng preno nito habang pababa mula sa isang mataas na parte ng highway sa Barangay Noa.
Bunsod nito, bumulusok ang truck at tuluy-tuloy sa mga kabahayan.
Nawasak ang anim na bahay na nahagip ng truck na lumagpak ng patagilid. Tatlong motorsiklo na nakaparada sa tapat ng naturang mga bahay ang nasira rin sanhi ng aksidente.
Ayon sa mga barangay officials at mga imbestigador ng Magpet MPS, nagpahayag na ng kahandaan ang may-ari ng truck na bayaran ang mga may-ari ng mga nasirang bahay at mga motorsiklo at sasagutin din ang mga gastusin sa pagpapagamot ng kanyang driver at mga kasama at ang dalawang residenteng nagtamo ng mga sugat at pasa sa katawan sanhi ng insidente.